Wednesday, November 6, 2013
Hilot sa Pilay
Isa sa mga pinaka-komon na dinadala sa akin para ipahilot ay mga batang may “Pilay” o yong mga batang nilalagnat sa tuwing hapon na may kasabay na ubo. Kaya naisipan ko na itoy isulat dito para sa mga magulang lalo na ang mga nanay para alam papaano hilutin ang pilay sa bata. Pero, kahit sa mga may edad na ito ay pwede rin gawin dahil minsan tayo man ay inuubo at nilalagnat din sa tuwing hapon, yon nga lang at hindi kagaya noong mga bata pa tayo.
Ang ubo ng batang may pilay ay tuyo o dry cough sa English. At kahit pa ito ay painumin ng painumin ng mga gamot na reseta ng doktor ay hindi natatanggal. Pero bago ang lahat nais kong ipaalala na ang bagay na ito ay hindi sinasabing hindi na ninyo kailangan dalhin sa doktor ang mga anak ninyo kung pagkatapos ng mga dalawang – tatlong beses ay walang makita na pagbabago sa hitsura o kalusugan ng bata.
Ang pinakakailangan dito ay langis ng niyog na sariwa o yong hindi panis. Malinis ang mga kamay at dapat din nahugasan ang bata ng maligamgam na tubig para malinis siya pagkapos mahilot at tutulog na. Ang paghilot sa batang may pilay ay kadalasan pinaka-maigi sa gabi bago matulog dalawang oras pagkatapos kumain.
1. Tanggalin ang pang-itaas na damit ng bata o kung maluwang at ayaw niyang mahubaran, itaas lang ito
hanggang sa balikat.
2. Lagyan ng langis ng niyog ang isang kamay, isang kutsara ay puwede na o tantiyahin lang. Huwag
mag-alala na kaunti ang nailagay dahil puwedeng dagdagan kung kinakailangan.
3. Ang pilay ng bata ay kadalasang sa bandang itaas ng likod pero pwede rin hilutin hanggang sa may
balakang, yong nga lang mas lalong bigyan ng pansin ang bandang itaas. Ito kasi ang laging nababanat
tuwing iginagalaw ang mga kamay at kung binubuhat natin sila. Basta hagurin lang ng marahan at hanapin
ang mga parte na may laman, at sa mga sugpongan o “joints” ng mga balikat. Katamtaman lang ang diin.
Kung isang buwan hanggang tatlong taon ang bata kahit haplos-haplos lang dahil madaling mag-response
ang kanilang katawan sa hilot at gagaling agad. Kapag may pilay, kadalasan ay nararamdaman ang
reaksiyon ng laman ng bata. Kapag bihasa ka na at sanay na, balang araw ay lagi mo iyon maramdaman
sa mga hinihilot mo. Ngayon, kung wala sa itaas, ang bandang hihilutin mo ay sa bandang pigi ng bata.
Hilutin ang malaman na bahagi hanggang sa balakang o “Lower-back.”
4. Pagkatapos mahilot ang likod o pigi ng bata ay huwag kalimutan na hilutin din ang mga paa – mula hita
pababa sa mga daliri ng paa.
Hilutin ang bata ng sampu hanggang labilimang minuto lang. Pero kung sanggol pa lamang limang minuto ay sapat na. Ulitin ang paghilot kinabukasan. Pagkatapos nito, ay dapat masigla na ang bata at wala ng lagnat at ubo sa hapon. Pero, kung meron pa rin ubo, dapat ay wala na ang sinat sa tuwing hapon. Yong ubo ay siguro dahil may ibang dahilan lalo na kung may lumalabas na plema(Phlegm). Kung ganoon dapat ipasuri na ang bata sa manggagamot para maagapan kung ang sanhi ng ubo ay dahil sa bakteria.
Subscribe to:
Posts (Atom)